The URSP Research Journal | Volume 6, No. 1 | JUNE 2020 __________________________________________________________________________________________________________________ 69 | ISSN: 2094-0556 | ursprj@gmail.com Ang Pilosopiya ng Edukasyon sa Filipino Jerwin M. Mahaguay University of Rizal System-Pililla jerwinmds@yahoo.com Abstrak: Ang Pilosopiya ng Edukasyon sa Pilipinas ay isang batis na iilan pa lamang ang nakababatid ng kahalagahan lalo na sa usapin ng pambansang pagsulong. Kaya nga tangka ng papel na ito na ilarawan sa payak na pamamaraan lalong higit sa wikang Filipino, una ang ugnayan ng pilosopiya at edukasyon, pangalawa ay maikling kasaysayan ng pagsibol ng Pilosopiya ng Edukasyon, at ang pangatlo ay ang kalagayan ng Pilosopiya ng Edukasyon sa Pilipinas kasama ang mga Pilipinong Pilosopo na nagsusulong nito. Mga Susing salita: Pilosopiya, Edukasyon, Pilosopiya ng Edukasyon Pambungad Walang isang kilalang panahon na masasabing naging tampok sa mga usaping pampilosopiya ang edukasyon, hindi dahil salat ito sa kahalagahan, kundi dahil ang usaping ito ay di maaaring ilagay sa isang panahon lamang. Laging napapanahon ang Pilosopiya ng Edukasyon, sapagkat ang kasaysayan ng tao ay kasaysayan ng pagkatuto. Ang tining ng isang kabihasnan o kultura ay sumasalamin lamang ng bisa ng edukasyong umiiral. Dito makikita na ang mga antigo at bagong kamalayan sa mundo ay masasabing pawang larawan lamang ng edukasyon at pagkatuto ng mga taong napapaloob dito. Kaya nga di maikakaila na napakatindi ng buklod na nag-uugnay sa Pilosopiya ng Edukasyon ng isang lugar at sa katayuan nito. Samakatuwid, maaring sabihin na hanggang walang isang matibay na pilosopiyang pang-edukasyon sa Pilipinas na magbubuklod sa lahat ng mga may malay na gawaing may kinalaman sa pagkatuto, mananatiling hungkag ang lahat ng mga pagpupunyaging inilalaan sa paghahandang pagkaisipan ng mga kabataan. Ang pag-aaral at pagpupunyagi na walang isang matibay na saligang pilosopiko ay para lamang isang dahong tinatangay ng hangin, walang malay at walang tiyak na patutunguhan. Sa puntong ito ay napakahalaga ng pangangahas na ito dahil una ay hihimayin nito ang ugnayan ng pilosopiya at edukasyon, gayundin ang kasaysayan ng edukasyon sa pangkalahatan at maging sa Pilipinas. Makakatulong ang pagbabaybay na ito, una, upang makita ang mga pangunahing saligan at diskurso ng bawat teorya at panahon. Samantalang ang ikalawang kahalagahan ay nakatuon sa paggamit ng wikang Filipino sa akdang ito. Maliban sa higit itong mauunawaan kung nakasulat sa wikang sarili ay isang tugon din ang papel na ito sa ibinabatong hamon ni Emmanuel de Leon sa kanyang artikulo na “Pamimilosopiya, Wika at mga Baluktot na katwiran: Tungo sa Pagpapayaman ng Wikang Pilosopikal sa Pilipinas” (2016 ) kung saan sinasabi niya na walang ibang paraan upang ipakita ang kakayanan ng wikang Filipino bilang gamit sa pamimilosopiya kundi gamitin ito. Tama si De Leon sa kanyang tugon sa panawagan ni Emerita Quito at Napoleon Mabaquiao tungkol sa kahinaan ng pilosopikong diskurso dahil sa kakulangan ng mga teksto na nakasulat sa wikang Filipino. Bagama’t di maituturing na dalisay ang akdang ito, anumang puna at pagtatamang ibabato dito ay marahil tulong na rin para higit pang mapaunlad ang akdang ito, gayundin ang Pilosopiya ng Edukasyon sa Pilipinas, at higit sa lahat ang pilosopikong diskurso gamit ang wikang Filipino. Harimanawariy maging katanggap- tanggap ang akdang ito para maging ambag sa kanyang isinusulong na adbokasiya. I. Ang Pilosopiya at Edukasyon Sa simula ng akdang ito ay mahalagang linawin muna kung may ugnayan ba ang pilosopiya at edukasyon. Di ba dapat isipin na lamang ng mga pilosopo ang mga problema sa pilosopiya at ipaubaya na lang ang problema ng edukasyon sa mga kawani ng pamahalaan na dalubhasa sa mga batas pang-edukasyon at sa mga tagapamahala ng mga paaralan, kolehiyo, at pamantasan? Dahil dito, ang mga susunod na talakayan ay nakatuon sa pag-usbong ng Pilosopiya ng Edukasyon bilang isang larangan.