Pantayong Pananaw Upang maiangkop ang teoryang ito sa isang espisipiko o tiyak na pag-aaral, mainam na himayin ang pinag-ugatan ng kombinasyon ng mga salitang bumubuo sa konsepto ng pantayong pananaw. Ang salitang “pantayo” ay binuo sa pamamagitan ng pagsasama ng salitang ugat na “tayo” at unlaping “pan” na ang kalalabasang kahulugan ay “mula sa amin – para sa amin.” Ito ay kabaligtaran ng konsepto ng “pangkami” na nabuo sa pamamagitan ng pagsasama ng salitang ugat na “kami” at unlaping “pang” na ang kagyat na kahulugan ay para sa nagsasalita at hindi kasama ang nakikinig nito. Sa kabilang dako, ang kabiyak na salitang pananaw ay tumutukoy sa perspektiba o anggulo. Ang pantayong pananaw ay isang deskriptibong konsepto na tumutukoy sa anumang kalipunan na nagtataglay ng pinag-isa at panloob na artikulasyon ng linggwistik-kultural na istruktura ng komunikasyon at interaksyon ng kahalagahan ng pagkakaisa ng layunin at dahilan ng pananatili. Ang pakikibaka ng Tanggil Wika laban sa banta ng pagsira sa wikang Filipino ay maaaring binabalutan ng konteksto ng pantayong pananaw. Ang mga pangkat etniko at mga kalipunang sosyal, kasama ang mga kababaihan at LGBT na naghahanap ng pantay na pagtingin ay dapat ring tingnan sa pagtataglay nito ng pantayong pananaw (Maranan, 2018). Ang pantayong pananaw (San Juan, et al., 2019) ay isang konsepto at hinuha ng multilinggwal na historyador na si Dr. Zeus A. Salazar mula sa Unibersidad ng Pilipinas na nag-aadhika ng isang nagsasariling diskurso ng mga Pilipino sa wikang pambansa para sa kasaysayan at agham panlipunan. Napapaloob ang kabuuan ng pantayong pananaw sa pagkaugnay-ugnay ng mga katangian, halagahan, kaalaman, karunungan, hangarin, kaugalian, pag-aasal at karanasan ng isang kabuuang pangkalinangan—kabuuang nababalot sa, at ipinapahayag sa pamamagitan ng isang wika. Detalyadong nilinaw ni Salazar (1997) sa artikulong “Pantayong Pananaw: Isang Paliwanag” ang buod ng kaniyang perspektiba: Sa lahat ng mga wikang Pilipino, may mga konseptong katumbas ng “tayo,” “kami, ”sila,” at “kayo” na tumutukoy sa mga nagsasalita at lahat ng kaniyang kausap, kasama kahit na iyong wala. Halimbawa, “tayong mga Pilipino,” kung ihahambing sa “kaming mga Pilipino,” ay nangangahulugang ang nagkakausap-usap ay mga Pilipino mismo at implisitong hindi kasali ang mga banyaga . Sa sitwasyong ito, ang bagay, konsepto, kaisipan at ugali na maaaring pagtuunan ng pansin ay madaling maintindihan, dahil sa napapaloob sa ating sariling lipunan at kultura. Mapag-uugnay natin sila sa isa’t isa na hindi kailangan magkaroon pa ng pantukoy sa iba pang mga konsepto, tao, ugali, at kaisipan na kaugnay nila. Katunayan nga, maraming bagay ang implisito nating nauunawaan. Ibig sabihin, kung ang isang grupo ng tao ay nag-uusap lamang hinggil sa sarili at sa isa’t isa, iyan ay parang sistemang “closed circuit,” pagkat nagkakaintindihan ang lahat. Samakatuwid, ang lipunan at kultura natin ay may “pantayong pananaw” lang kung tayong lahat ay gumagamit ng mga konsepto at ugali na alam natin lahat ang kahulugan, pati ang relasyon ng mga kahulugan, pati ang relasyon ng mga kahulugang ito sa isa’t isa. Ito ay nangyayari lamang kung iisa ang “code” – ibig sabihin, mai isang pangkabuuang pag-uugnay at pagkakaugnay ng mga kahulugan, kaisipan, at ugali. Mahalaga (at pundamental pa nga) rito ang iisang wika.