DALUYAN 11 Kagamitang Pangkomedor at Pangkusina Bilang Kulturang Materyal at Sisidlan ng Kaalamang Lokal Evangeline M. Dare Ang mga larawan ay guhit ni Nathaniel Tagle Pasimula Ang salitang kusina ay hango sa Espanyol na cocina mula sa salitang-ugat na Latin na coquere o cook sa Ingles. Nagmula rin dito ang Pranses na salitang cuisine na ang ibig sabihin naman ay pagkain o pagluluto. Sa lahat ng mga salitang ito–cocina, cuisine, cook, kusina, kusinero–litaw na litaw ang konsepto ng pagkain. Kung ang kusina ay silid-lutuan, ang komedor naman ay silid-kainan. Hinango din ito sa salitang Espanyol na comida, na ang ibig sabihin ay kabuuang putahe o set ng mga pagkain. Kayrami nang mga popular na magasing lokal ang inilalathala na nakalaan para sa pagkain. Food, Cook, Yum m y, Recipe, at Flavors . Gayundin sa mga programang pantelebisyon, palasak nang mapanood ang iba’t ibang klase ng lutuin na ipinakikita ang sunod-sunod na hakbang sa paghahanda. Kaya ang dating imahen ng mga pawisang kusinero at kusinerang nakatago sa mga mauusok at mainit na kusina ay napalitan na ng mukha ng mga glamorosong celebrity chef na TV host at hostess na rin. Hindi mabilang ang mga cookbook na naimprenta sa loob at labas ng bansa. May magagarang coffee table book na hindi matatawaran sa masikhay na pagkakasaliksik ang nailathala na tungkol sa pagkaing Pinoy. Ilan sa mga ito ang Palayok ni Doreen Gamboa Fernandez, The Culinary Culture of the Philippines ni Gilda Cordero Fernando at ang obra maestra ni Felice Prudente Sta. Maria, ang Philippine Culinary Vignettes and Period Recipes 1521-1935. Nariyan din ang trilohiya ni Doreen Fernandez: ang Sarap (1988) Lasa (1993) at Tikim (1994) na ang unang dalawa ay isinulat kasama si Edilberto N. Alegre. May ilang pelikulang banyaga na rin ang may tema ng pagluluto at pagkain sa kanilang pagsasalaysay gaya ng Como Agua Para Chocolaté (1992) ni Laura Esquivel, Woman on Top (2000) ni Fina Torres, Chocolàt (2000) ni Joan Harris, at ang Julie and Julia (2009) ni Nora Ephron . Patunay ang mga ito sa malaking pagpapahalaga ng mga Filipino at kahit ng ibang lahi sa pagkain. At bakit hindi? Pagkain ang bumubuhay, nagbibigkis, at nag-uugnay sa lahat ng tao. “In food do ingredients and preparation from different cultures blend”