(INI)LIHIM SA DAGAT: Mga Salaysay ng Pagsubok at Pakikibaka ng mga Pilipinong Seaman Joanne Visaya Manzano Pagpuwing sa Daigdig na Minamatang-Manok: Politika, Estetika, at Poetika ng Espasyo sa mga Dula ni Rolando S. Tinio Eugene Y. Evasco JOURNAL NG WIKANG FILIPINO 176 177 Pagpuwing sa Daigdig na Minamatang-Manok: Politika, Estetika, at Poetika ng Espasyo sa mga Dula ni Rolando S. Tinio Eugene Y. Evasco ABSTRAK Layunin ng sanaysay na ito na suriin ang politikang taglay ng mga dulang pantanghalan at pampelikula ni Rolando S. Tinio. Tinalakay din ng pagsusuri ang pag-unlad ng kamalayan ng nasabing mandudula batay sa kaniyang edukasyon at mga impluwensiyang pampanitikan at panteatro. Dagdag pa rito, sinuri rin ang konsepto ng espasyo, usaping pangkapangyarihan, usaping pangkababaihan, at ang usapin ng katawan (body politics) sa mga dula ng nasabing mandudula. Sa huli, inilatag ng pag-aaral ang panukalang rebisyon sa pagsulat ng dula sang- ayon sa ipinamalas na mapanghamong estetika sa mga likha ni Tinio. Mga susing salita: dula, dulang pang-entablado, dulang pampelikula, espasyo, kasaysayang pampanitikan, estetika, Rolando Tinio This study is an investigation on the politics of Rolando Tinio’s stage plays and produced screenplays. It also tackles the development of the playwright’s consciousness based on his literary education and creative influences. Moreover, the essay studies the concept of space, power, gender, and body politics in Tinio’s plays. In the end, the essay offers a proposed revision on the craft of playwriting based on the challenging aesthetics of Tinio. Keywords: play, stage play, screenplay, space, literary history, aesthetics, Rolando Tinio At kaya ninyong unawain Ang dito’y itinatanghal: Sa unang tingin ay malalim, Bababaw rin pag nagtagal. -“Isang Buhay sa Tambakan” Kinamihasnan nang paniwalaan na ang panitikan bilang isang anyo ng sining ay payak na malikhaing pagpapahayag ng damdamin. Sa ganitong pagpapakahulugan at pagsipat sa anumang anyo at uri ng panitikan ay uri ng pagsasantabi sa kakayahan at kapangyarihan ng anumang teksto na suriin at himukin ang mambabasa o ang tumutunghay sa inilalatag na mga puwersang panlipunan at pangkapangyarihan ng teksto. Kinahiratihan na ring bansagan ang panitikan bilang salamin lamang ng lipunan. Sa ganitong pananalig, napapahalagahan lamang ang mga teksto bilang dokumento ng mga pangyayari sa lipunan. Nalilimita ang pagkilala sa mga akda sa katapatan nitong angkinin ang puwersang humuhubog sa ugnayan ng tao sa kanyang lipunan at kasaysayan. Naisasantabi ang iba pang usapin ng paglikha at muling paglilikha sa pamamagitan ng produksiyon, paglalapat ng mga teorya sa kritisismo, pagdulog sa iba pang mga teksto, pag-uugnay sa paghirayang muli ng buhay, at sa pagbubuo ng kamalayan ng isang bansa. Hindi napapahalagahan ang panitikan bilang behikulo ng panlipunang imbestigasyon ng katotohanan. Ang hindi batid ng nakararami, ang panitikan, tulad ng dula, ay hindi nahiraya sa pamamagitan lamang ng pagtukoy ng mga bagay na maaaring salaminin para sa mga mambabasa. Ang mga tekstong pampanitikan ay likha ng isang manipulasyon sa mga daigdig ng kapwa manunulat at mambabasa. Hinuhubog ang ganitong paglikha ng mga salik na personal o kolektibo, malay man o hindi ang isang manlilikha—ang magkakaakibat at magkakaugnay na salik ng uri, lahi, kasarian, ideolohiya, etnisidad, pag- aaral, relihiyon, atbp. Bukod sa ganitong usapin, marapat palitawin ang talakayan ukol sa pagtataya ng kasiningan at kahusayan ng akda. Tinutukoy nito ang napagtagumpayan ng isang manlilikha sa kanyang akda: Kung mayroon ba siyang sinusundang tradisyon? May binabalikwas ba siyang paniniwala? May impluwensiya kaya siya na makakatulong upang iangat ang antas ng pagkamalikhain at pagsusuri ng mambabasa? Angkop ba ang pagkakagamit ng mga pamamaraan sa paglikha? Nalubos ba niya ang mga elemento sa pagpapahayag? Maingat ba niyang naisakatuparan ang magkakahugpong na usapin ng sining at lipunan? Sa ganitong paniniwala nakaangkla ang pagsusuring ito na tiyak na itinuon sa mga dulang pang-entablado, pantelebisyon, at pampelikula ni Rolando S. Tinio. Mahalaga ring banggitin na ang pagtatangka sa pag-aaral at pagsusuri na ito ay may kaalinsabay na ring pagsasateorya ukol sa pananalig ng mandudula sa kanyang sining. Aalamin ng pag- aaral na ito ang estetika ni Tinio na makakatulong sa mga mandudula sa kanilang adhikain sa paglikha. Mangyari pa, maipapaliwanag din ang politika ng nasabing mandudula sa tiyak na panahon ng kanyang paglikha. Isasakonteksto ang kanyang paggigiit ng sining