The Normal Lights Volume 12, No. 1 (2018) Suggested Citation: Broadway, M.S.D., & Zamora, N.C.L. (2018). Ang flipino bilang wika sa matematika: Isang palarawang pagsusuri sa kaso ng isang pribadong paaralan. The Normal Lights, 12(1), 67 – 99. Ang Filipino Bilang Wika sa Matematika: Isang Palarawang Pagsusuri sa Kaso ng isang Pribadong Paaralan (Filipino as a Language of Mathematics: A Descriptive Analysis in the Case of a Private School in the Philippines) Myra S.D. Broadway mbroadway@mc.edu.ph Miriam College Niña Christina L. Zamora Philippine Normal University Abstrak Pangkalahatang layunin ng pag-aaral na malaman kung may espasyo ang Filipino sa klase ng Matematika. Ginawa ang sumusunod na hakbang upang maisakatuparan ang pag-aaral: pagmamasid sa mga klase; pagsasagawa ng focus group discussion at pakikipanayam sa mga guro at mag-aaral; at mula rito ay makabubuo ng mungkahing patakarang pangwika. Sa isinagawang pagmamasid ng mananaliksik, lumabas na may mga pagkakataong gumagamit pa rin ang mga mag-aaral at guro (malay o di-malay) ng Filipino sa asignaturang Matematika. Maituturing ito bilang wikang pantulong sa iba’t ibang yugto ng klase sa Matematika. Pinatunayan ng pananaliksik na ito na (1) May espasyo ang Filipino sa Matematika bilang wikang pantulong; (2) Napadadali ang pagtalakay sa Matematika sa tulong ng Filipino; at (3)Ang pagpapairal ng patakarang pangwika ay kailangan upang maisakatuparan ang ganap na espasyo ng Filipino sa paaralan. Iminumungkahi na ipatupad ang mungkahing patakarang pangwika na nabuo batay sa resulta ng pananaliksik.