Malayo sa Bituka ni Rolando Obenario Jr. Masaya ang kabataan ko: maglalaro umaga hanggang hapon hanggang sa bigla na lang madadapa, makikita ang dumudugong tuhod at tatakbo sa aking Mama na umiiyak. Kukuha siya ng halamang-gamot, papahiran pa ng lana ang sugat, at tatakpan ng pinunit na tela sa lumang damit ni Papa. Huling bahagi ng ritwal ay sasambit siya ng mga katagang: “Huwag ka nang umiyak. Malayo sa bituka.” Ganito ang mistulang naging kaisipan ng mga Pilipino bago sumiklab ang COVID-19 na pandemya. Matapos ang humigit dalawang taon, masasabi ngang malayo sa bituka ang epekto ng COVID-19 pero bukod pa pala roon ang nadali. Nagsisimula ang karamihan ng mga pananaliksik sa kung saan nagmula ang COVID-19. Natuklasan na nanggaling ito sa isang laboratoryo sa lungsod ng Wuhan sa Tsina. Ang dating Novel Corovirus (nCOV) ay naging Coronavirus Disease 2019. Ang kilalang epidemya ay tinawag na pandemya ng World Health Organization. Base sa mga pag-aaral, inaatake nito ang sistema ng paghinga ng katawan ng tao na naipapasa sa pamamagitan ng pagbahing at mga malapitang pagdikit ng pisikal. Tanging kibit balikat lamang ang nagawa ng mga Pilipino. Walang masyadong naalerto sa balitang may nakapasok na isang dayuhang Intsik sa pantalan sa Visayas. Ito ang unang kaso ng COVID sa Pilipinas at nakakatawang hindi galing sa isang kababayan. Mula sa isa ay naging lima ang kaso at kaagad namang nagpatupad ng “lockdown” ang gobyerno. Bagong-bago ang kataga sa panding ng mga Pinoy kaya’t imbes na mainam na sumunod ay may ilan pang nagprotesta. Pagkat di pa lubusang naiintindihan ang papasanin sa balikat, panibagong kibit na may kasamang pilit na buntong hininga. Hindi na bago sa mga Pilipino na sa gitna ng sakuna ay nagagawa pang ngumiti at tumawa. Palibhasa, sa kabila ng pandemya ay mabilis na nakahanap ng mga libangan. Nauso ang mga Dalgona coffee (at kahit tapos na ang pandemya ay hindi ko pa natitikman) at ube pandesal na swak sa panlasa ng madla. Sumikat rin ang mga online na laro na pagpapatayo ng bahay at nag-aalaga ng pamilya–hindi nakapagtataka sa dahilang marami ang napalayo sa kanilang mahal sa buhay. Wala na ring panahon na malungkot at malugmok sapagkat kailangang mag-asikaso ng quarantine pass, mag-imbak ng gamit at pagkain, lumikha ng bakuna, at gumawa ng paraan upang makapagpatuloy sa pag-aaral. Kung sabagay, ilang bagyo at lindol na rin ba ang nakayanan ng makabayang katatagan? Kahit anong uso pa at katuwaan ang maisip ng mga malikhaing Pinoy, hindi naging solusyon ito upang ang sakit na dulot ng pandemya ay mapahid. Wala pang bakuna. Ang akala rin ay makakabuo ng sariling lunas ang Pilipinas ngunit gaya ng dati, nauna ang mga malalaking bansa sa paligsahan sa bakuna kahit ang unang turok ay ginawa ng isang Pilipinang nars. Walang pamahid o panyo na makakahilom sa sugat na binuksang muli ng COVID-19. Malayo sa bituka, malapit sa utak. Nakapagtatakang dumami ang kaso ng depresyon sa nagdaang mga taon ng pandemya. Ang sinisising dahilan ay ang pagkakalayo-layo sa mga